Naging kapansin-pansin ang palitan nina Sen. Allan Cayetano at Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa pagdinig ng Senado para sa panukalang 2027 budget ng ahensya.
Nagsimula ang diskusyon sa serye ng mga tanong ni Sen. Imee Marcos kay Dizon tungkol sa mga flood control project ng DPWH at sa nagpapatuloy na pagsusuri ng ahensya sa mga proyektong iniulat na posibleng may anomalya, ghost o substandard.
Sa bahagi ng pagdinig, tinanong naman ni Cayetano si Dizon kung may naitalang ghost project sa Taguig City batay sa mga rekord at kaalaman ng kalihim.
Ayon kay Dizon, wala siyang nalalamang ghost project sa Taguig batay sa kasalukuyang records ng DPWH.
Gayunman, nilinaw ng kalihim na nagpapatuloy ang imbestigasyon ng ahensya upang matukoy kung mayroong mga maanomalyang flood control o iba pang public infrastructure projects sa lungsod.
Sinabi naman ni Cayetano na bukas ang Taguig sa pagsusuri ng mga proyekto nito ng DPWH, media at iba pang investigating bodies.
Ipinahayag din ng senador ang kaniyang interes na malaman kung mayroon mang proyekto sa lungsod na matutukoy na may iregularidad, lalo na kasunod ng mga naunang nabunyag na isyu sa ilang infrastructure projects.
Sa gitna ng palitan, nagbiro pa si Cayetano kay Dizon matapos ang serye ng mga tanong ni Sen. Imee Marcos sa kalihim.
Samantala, umaabot sa P643.95 bilyon ang panukalang budget ng DPWH para sa 2027, na kabilang sa mga pangunahing usaping tinatalakay ng Senado sa budget deliberations.













