Nilinaw ng Philippine National Police na walang makukuhang special treatment si Ronald dela Rosa sa anumang magiging hakbang ng ahensya kaugnay ng mga isyung kinakaharap nito.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., mahigpit na susundin ng organisasyon ang batas at mga umiiral na alituntunin, anuman ang ranggo o posisyon ng isang indibidwal.
Paliwanag ng PNP, nakabatay sa kanilang mandato at “legal frameworks” ang lahat ng operasyon, at hindi umano maaaring manaig ang personal na koneksyon o dating posisyon sa pagpapatupad ng batas.
Naging sentro ng usapin ang posisyon ng PNP matapos kumalat ang mga tanong ng publiko kung magiging mahigpit ba ang pagpapatupad ng batas laban sa senador dahil dati itong naging hepe ng pambansang pulisya.
Kasunod nito, naglabas din ng direktiba si Nartatez sa mga yunit ng pulisya na tiyaking mahigpit ang pagsunod sa standard operating procedures at iwasan ang anumang uri ng preferential treatment o hindi awtorisadong pagbubunyag ng impormasyon.
Si dela Rosa ay patuloy na iniuugnay sa isyung may kinalaman sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court kaugnay ng imbestigasyon sa war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.













