Iginiit ng Malacañang na magpapatuloy ang paghahanap ng mga awtoridad kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa kung hindi siya boluntaryong susuko sa loob ng itinakdang palugit ng pamahalaan.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, ibinigay ang palugit upang mabigyan ng pagkakataon ang senador na mapayapang sumuko at kusang makipagtulungan sa mga awtoridad.
Binigyang-diin ni Castro na hindi titigil ang mga awtoridad sa paghahanap kay Dela Rosa sakaling tumanggi itong sumunod sa batas. Aniya, bilang dating miyembro ng Philippine National Police (PNP) at kasalukuyang senador, nararapat lamang na ipakita niya ang paggalang sa batas at mga prosesong legal.
Dagdag pa ng opisyal, hindi dapat magsilbing halimbawa si Dela Rosa sa ibang indibidwal na may kinakaharap na warrant of arrest upang magtago sa halip na harapin ang mga kasong kinakaharap.
Sa ngayon, nananatiling panawagan ng Malacañang ang kusang pagsuko ng senador upang maisagawa ang proseso nang maayos at maiwasan ang mas mahigpit na hakbang ng mga awtoridad.












