-- ADVERTISEMENT --

Naglabas ng agarang kautusan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang ipatigil ang operasyon ng lahat ng open at controlled dumpsites sa buong bansa, bilang hakbang para maiwasan ang posibleng sakuna sa gitna ng matinding init ng panahon.

Sa memorandum na inilabas ni Jacqueline Caancan, na siyang OIC Assistant Secretary for Environment at kasalukuyang direktor ng Environmental Management Bureau (EMB), inatasan ang lahat ng regional offices na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng direktiba. Layunin nitong maprotektahan ang kalusugan ng publiko at maiwasan ang pinsala sa kapaligiran.

Kasabay ng pagpapasara, binigyan ng DENR ng 15 araw ang mga operator ng sanitary landfills upang magsumite ng contingency plans. Dapat maglaman ang mga ito ng malinaw na hakbang para maiwasan at agarang matugunan ang mga panganib tulad ng sunog at iba pang emergency.

Binigyang-diin din ng ahensya ang kahalagahan ng ligtas na pagsasara at rehabilitasyon ng mga dumpsite upang maprotektahan ang mga komunidad at ari-arian. Inatasan din ang EMB regional offices na magsagawa ng masusing beripikasyon sa estado ng mga pasilidad na ipinasara.

Dagdag pa rito, obligadong magbigay ang DENR ng teknikal na tulong sa mga lokal na pamahalaan upang mapabuti ang kanilang solid waste management systems at maiwasan ang mga kahalintulad na panganib sa hinaharap.