Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maiwasang lumala ang ugnayan ng Pilipinas at China kasunod ng mga pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan, ayon sa Malacañang.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, balak ng Pangulo na kausapin ang Chinese envoy sa pamamagitan ng diplomatikong pamamaraan upang linawin ang kaniyang mga naging pahayag at maiwasan ang posibleng paglala ng sitwasyon.
Binigyang-diin din ni Castro na magkaibang usapin ang kalakalan at pamumuhunan ng dalawang bansa at ang pagtatanggol ng Pilipinas sa soberanya at mga interes nito sa West Philippine Sea.
Nauna nang sinabi ni Marcos noong Biyernes na ipatatawag niya si Jing Quan upang hingan ng paglilinaw sa pahayag ng embahador na madaling magwawagi ang China sakaling gumamit ito ng puwersa.
Sa kabila ng tensiyon na dulot ng naturang pahayag, iginiit ng Malacañang ang kahalagahan ng pagharap sa isyu sa pamamagitan ng diplomasya upang mapanatili ang maayos na ugnayan ng dalawang bansa.












