-- ADVERTISEMENT --

Humarap sa International Criminal Court (ICC) si Khaled Mohamed Ali El Hishri, dating hepe ng isang kulungan sa Libya, kaugnay ng alegasyon ng war crimes at crimes against humanity na umano’y naganap sa Mitiga prison mula 2015 hanggang 2020.

Ayon sa mga prosecutor, pinaniniwalaang si El Hishri ang utak ng mga tortyur, sexual abuse, at pagpatay sa mga detainee sa naturang pasilidad. Kabilang umano sa mga biktima ang mga kababaihan at isang 15-anyos na lalaki.

Sinabi rin ng prosekusyon na maraming bilanggo ang nasawi dahil sa mga pang-aabuso, sexual abuse, at pagpatay.

Ayon sa ICC, ang kasalukuyang pagdinig ay hindi pa pormal na paglilitis. Layunin nito na alamin kung sapat ang ebidensya upang ituloy ang full trial laban sa akusado. Maaaring aprubahan ng mga hukom ang pagsasampa ng kaso, ibasura ito, o baguhin ang mga paratang.

Mariing itinanggi ni El Hishri ang mga akusasyon at humiling ng kanyang paglaya.

Ang kaso ay bahagi ng mas malawak na imbestigasyon ng ICC sa mga krimen sa Libya kasunod ng 2011 uprising na nagpatalsik kay dating lider Muammar Gaddafi.

Samantala, isa pang opisyal ng Libya na si Osama Almasri Najim ay kabilang din sa mga pinaghahanap kaugnay ng kahalintulad na mga alegasyon ng pang-aabuso sa kulungan. Nagdulot ng kontrobersiya ang kanyang kaso matapos umano siyang palayain ng mga awtoridad sa Italya.