COTABATO CITY – Ginulantang ng malakas na pagsabog ang isang lugar sa Datu Udtog Matalam, Malagapas, Barangay Rosary Heights 10, Cotabato City, bandang alas-8:10 ng gabi nitong Setyembre 13.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 2, kabilang ang mga duty investigator na pinamumunuan ni PMAJ Tugaya Z. Alfonso, station commander, matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen.
Pagdating sa lugar, kinumpirma ng mga pulis na naganap ang pagsabog. Batay sa paunang imbestigasyon, pinaniniwalaang nagmula ito sa isang tumpok ng basura, kung saan nakita rin ang mga nagkalat na piraso ng basura.
Hiniling na rin ng mga awtoridad ang pagproseso ng Crime Scene Examination Unit o CECU sa lugar upang masuri ang mga ebidensya at matukoy ang posibleng pinagmulan ng pagsabog.
Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagsabog at kung may pananagutan ang sinumang indibidwal sa insidente.













