Kinumpirma ng Maritime Industry Authority (MARINA) na nakaligtas at ligtas ang kapitan ng M/V June Aster na nasunog habang naglalayag sa karagatan ng Coron, Palawan.
Ayon kay MARINA Regional Office IV Director Atty. Maximo Bañares Jr., nakumpirma ng shipping company na buhay ang kapitan. Gayunman, hindi pa ito nakikipag-ugnayan o humaharap sa mga awtoridad matapos ang insidente.
Patuloy ngayon ang paghahanap ng MARINA sa kapitan upang makuha ang kaniyang salaysay at maisama ito sa isinasagawang imbestigasyon.
Posible rin umanong maharap sa administrative liability ang kapitan sakaling mapatunayan ng imbestigasyon na may paglabag sa mga umiiral na maritime safety regulations.
Samantala, nagpapatuloy ang maritime investigation ng MARINA upang matukoy ang sanhi ng sunog at masuri ang seaworthiness at pagsunod sa safety requirements ng mga barko ng naturang kumpanya.
Nauna nang rumesponde ang Philippine Coast Guard sa insidente para sa rescue at firefighting operations habang nasa biyahe ang M/V June Aster sa bahagi ng Coron.













