Nagprotesta ang mga residente sa ilang bahagi ng Syria matapos ipatupad ng pamahalaan ang malaking dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo.
Tumaas nang hanggang 40% ang presyo ng diesel habang 28% naman ang itinaas sa petrol. Bilang pagtutol, hinarangan ng mga nagprotesta ang ilang pangunahing kalsada nang ilang oras.
Kabilang sa mga lugar na nakaranas ng matinding kilos-protesta ang mga bahagi ng Hama, Khan Sheikhoun at Maarat al-Numan.
Iniuugnay naman ng Syrian government ang sitwasyon sa kakulangan ng lokal na suplay ng langis. Ayon kay Energy Minister Mohammed al-Bashir, nasa 102,000 barrels lamang kada araw ang produksyon ng Syria, kumpara sa tinatayang 325,000 barrels na pang-araw-araw na pangangailangan ng bansa.
Dahil sa malaking kakulangan, umaasa ang Syria sa imported oil upang matugunan ang domestic demand.
Samantala, sinabi ng Ministry of Energy na patuloy nitong susuriin ang presyo ng langis batay sa galaw ng pandaigdigang merkado at pagbabago ng global market conditions.













