Sa kabila ng mga nasawi at nasugatan sa ilang insidente ng karahasan, itinuring ng Malacañang na matagumpay ang unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, hindi ikinasaya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga insidenteng nagresulta sa pagkamatay o pagkasugat ng mga botante at iba pang indibidwal.
Hindi bababa sa apat na katao ang nasawi habang 19 ang nasugatan sa magkakahiwalay na insidente ng karahasan na naitala kaugnay ng halalan. Kabilang dito ang shootout sa Cotabato City bago ang araw ng botohan.
Gayunman, sinabi ni Castro na nananatiling positibo ang pagtatasa ng administrasyon sa naging takbo ng halalan, batay sa mga ulat mula sa Philippine National Police (PNP) at Commission on Elections (Comelec), na kapwa nagsabing generally peaceful at orderly ang botohan.
Sa kabila ng mga insidente, nanatili ring mataas ang voter turnout sa rehiyon, na nagpapakita ng malaking partisipasyon ng mga residente sa unang parliamentary elections ng BARMM.
Samantala, patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang mga insidenteng naganap bago at habang isinasagawa ang halalan.













