Patuloy ang malawakang search and rescue operation sa karagatang malapit sa Gavdos at Crete, Greece, matapos lumubog ang isang bangkang may sakay na mga migrante.
Isa ang kumpirmadong nasawi habang 51 ang nailigtas mula sa tinatayang 77 pasahero ng bangka. Nasa 25 naman ang patuloy na pinaghahanap ng Greek authorities.
Ayon sa Greek Coast Guard, dalawang barkong dumaan sa lugar ang unang sumaklolo sa mga nakaligtas. Pinalawak naman ang operasyon sa tulong ng apat na barko, mga sasakyang panghimpapawid ng Frontex at isang coast guard helicopter.
Nahihirapan ang rescue teams dahil sa malalakas na hangin sa karagatan, ayon sa mga ulat ng Greek public broadcaster ERT.
Samantala, dadalhin sa Crete ang 51 nasagip na migrante para sa kaukulang legal na proseso. Patuloy namang tinututukan ng mga awtoridad ang mga rutang ginagamit ng mga asylum seekers mula North Africa patungong Greece.
Kabilang sa mga pangunahing ruta ang Crete at Gavdos, na nasa humigit-kumulang 320 kilometro mula sa baybayin ng Libya.













