Isinusulong ni Senador Erwin Tulfo ang isang panukala na naglalayong alisin ang examination fees para sa mga kwalipikadong mahihirap na Pilipino na nais kumuha ng professional licensure at eligibility examinations, bilang hakbang upang mabigyan sila ng mas malaking pagkakataong makapasok sa mga propesyunal na trabaho.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2035 o “Free Professional Examinations Act,” maaaring ma-exempt sa pagbabayad ng mga kaukulang bayarin ang mga indigent examinees na kukuha ng board examinations ng Professional Regulation Commission (PRC), civil service eligibility examinations ng Civil Service Commission (CSC), at maging ng Bar Examinations na pinangangasiwaan ng Korte Suprema.
Ayon kay Tulfo, maraming nagtapos sa kolehiyo ang hindi agad nakakapagpatuloy sa pagkuha ng lisensya dahil sa kakulangan ng pondo para sa examination fees. Dahil dito, napipilitan silang pumasok sa mga trabahong hindi tugma sa kanilang natapos o sa kanilang propesyonal na kwalipikasyon.
Naniniwala ang senador na ang pagtanggal sa gastusin sa pagsusulit ay makatutulong upang mabawasan ang underemployment at mapalawak ang bilang ng mga lisensyadong propesyonal sa bansa, lalo na mula sa mga sektor na may limitadong kakayahang pinansyal.
Sa panukala, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang magtatakda at magbibigay ng sertipikasyon sa mga aplikanteng maituturing na “qualified indigent.” Ang naturang sertipikasyon ang magiging batayan upang makakuha ng exemption sa examination fees.
Upang matiyak na hindi maaabuso ang programa, isang beses lamang kada taon maaaring magamit ng bawat kwalipikadong aplikante ang benepisyo.
Iginiit ni Tulfo na hindi dapat maging hadlang ang kahirapan sa mga Pilipinong nais maging abogado, guro, nurse, inhinyero, o lingkod-bayan, at dapat magkaroon ng pantay na pagkakataon ang lahat na makamit ang kanilang propesyonal na pangarap.













