-- ADVERTISEMENT --

Hindi kailangang magmadali sa paghahanap ng bagong pag-ibig dahil marami pang ibang bagay na dapat bigyang-pansin at pahalagahan sa buhay.

Ito ang mensaheng ibinahagi ng Broadway superstar na si Lea Salonga nang matanong tungkol sa kasalukuyang estado ng kanyang love life.

Ayon kay Lea, isa ito sa mga payong nais niyang ipaabot sa nakababatang henerasyon—ang huwag gawing pangunahing layunin ang paghahanap ng karelasyon dahil marami pang oportunidad at karanasang naghihintay sa bawat isa.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagmamahal sa sarili at pagbibigay-prayoridad sa sariling pagkatao bago pumasok sa isang relasyon.

Para ilarawan ang pananaw na ito, inihalintulad niya ang pag-ibig sa isang paru-paro na hindi kailangang habulin o piliting hulihin dahil kusang lalapit ito kapag naaakit sa isang hardin.

Sa ngayon, mas nakatuon umano ang kanyang panahon at atensyon sa kanyang anak, mga kaibigan, at tahanan.

Matatandaang inamin ni Lea ang kanilang paghihiwalay ng asawang si Robert Chien noong Enero 2026.