-- ADVERTISEMENT --

Inaasahang makatutulong ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance Program sa pagaan ng epekto ng mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin sa tinatayang 7.5 milyong pamilyang Pilipino.

Ayon kay Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo, chairman ng House Ad Hoc Committee on Legislative Energy and Development (LEAD), bahagi ang programa ng mas malawak na hakbang ng pamahalaan upang suportahan ang mga sektor na higit na naaapektuhan ng pagtaas ng gastusin sa pamumuhay.

Sa ilalim ng UPLIFT, makatatanggap ng isang beses na ₱2,000 ang 3.5 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program. Bukod dito, 2.5 milyong mahihirap at near-poor na pamilya, gayundin ang 1.5 milyong low-income workers, ang tatanggap ng ₱2,000 buwan-buwan mula Hulyo hanggang Disyembre 2026, alinsunod sa mga itinakdang panuntunan.

Sinabi ni Quimbo na ipinakikita ng UPLIFT ang pagtutulungan ng Ehekutibo at Kongreso sa pagpapatupad ng mga hakbang na layuning mapagaan ang pasanin ng mga Pilipino habang isinusulong ang mas matatag na ekonomiya.

Ipatutupad ang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan, upang matiyak ang maayos na pamamahagi ng ayuda sa mga kwalipikadong benepisyaryo.