Nababahala ang EDCOM 2 matapos lumabas sa pinakahuling assessment na malaking bilang ng mga senior high school students sa bansa ang hirap pa ring umunawa sa kanilang binabasa.
Batay sa literacy assessment na isinagawa ng Department of Education o DepEd noong Marso 2026, tinatayang 1.3 milyon sa 1.4 milyong Grade 11 students ang may problema sa reading comprehension.
Ayon kay Simoun Antonio Salinas, 12% lamang ng mga Grade 11 students ang maituturing na “independent learners” o yaong kayang ganap na maunawaan ang kanilang binabasa nang walang gabay.
Lumabas din sa datos na halos anim sa bawat sampung mag-aaral ang nasa “frustration level,” na itinuturing na pinakamababang literacy category dahil hirap silang maintindihan ang simpleng teksto.
Samantala, halos tatlo naman sa bawat sampung estudyante ang nasa “instructional level,” kung saan kinakailangan pa nila ng tulong at paggabay mula sa guro upang maunawaan ang binabasa.
Sinisi naman ng ACT Teachers Party-list ang umano’y malalim at sistematikong problema sa education system, partikular ang polisiya ng mass promotion kung saan naipapasa umano ang ilang estudyante kahit hindi pa sapat ang kanilang kakayahan.
Ayon sa grupo, may umiiral umanong pressure sa iba’t ibang antas ng sistema upang maituloy sa susunod na baitang ang mga mag-aaral kahit kulang pa sa kasanayan sa pagbasa at pag-unawa.
Hindi lamang Grade 11 students ang apektado ng suliranin. Ayon pa sa EDCOM 2, nasa 40% ng mga estudyante sa iba’t ibang grade levels ang patuloy na nakararanas ng kahinaan sa reading comprehension.
Sa kabila nito, tiniyak ni Sonny Angara na pagtutuunan ng DepEd ang pagpapalakas ng teacher training upang mas mapaunlad ang comprehension skills ng mga estudyante at hindi lamang memorization o rote learning.













