-- ADVERTISEMENT --

Nasawi ang isang walong taong gulang na bata na angkas sa motorsiklo matapos masangkot sa isang aksidente sa kalsada sa intersection ng General Santos Drive at Sinsuat Street, Barangay Zone IV, Koronadal City, nitong Martes ng umaga, Nobyembre 10.

Ayon sa pamilya, nasawi ang bata na kinilalang si Vanessa Cabrera, residente ng Purok Silangan, Barangay Morales, matapos ang insidente.

Batay sa police blotter ng Koronadal City Police Station Traffic Section, naganap ang aksidente pasado alas-6:40 ng umaga.

Ang motorsiklong Yamaha Mio na minamaneho ni Meriam Salan Antiquera, 51-anyos, kasama ang walong taong gulang na bata bilang angkas, ay bumibiyahe sa Sinsuat Street.

Samantala, ang isang Mitsubishi Strada pick-up/patrol car na minamaneho ni PCpl Elton John Javien Rombawa, 30-anyos, na nakatalaga sa SKPMFC at residente ng President Quirino, Sultan Kudarat, ay bumibiyahe naman sa General Santos Drive mula sa direksyon ng Barangay Morales patungo sa Roundball.

Ayon sa paunang imbestigasyon, nabangga ng harapang bahagi ng pick-up ang kanang bahagi ng motorsiklo nang magkasabay na makarating ang mga ito sa nasabing intersection.

Ayon pa sa police report, nagtamo ng mga pisikal na pinsala ang driver at angkas ng motorsiklo at agad silang isinugod sa South Cotabato Provincial Hospital para sa medikal na atensyon.

Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.