Magbibigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng psychosocial support at psychological first aid sa mga indibidwal na naapektuhan ng pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga City na ikinasawi ng dalawang estudyante.
Ayon sa ahensya, nakikipag-ugnayan na ang mga social worker nito sa Zamboanga City local government at iba pang concerned agencies upang matulungan ang mga survivor, pamilya at mga nakasaksi sa insidente.
Layunin ng intervention na matulungan ang mga apektado na maproseso ang trauma, pagdadalamhati at matinding emosyonal na stress na dulot ng insidente.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang DSWD sa mga pamilya ng mga nasawi, gayundin sa mga survivor at witness na nakaranas ng matinding emosyonal na epekto ng pamamaril.
Binigyang-diin ng ahensya na partikular na nangangailangan ng proteksiyon at suporta ang mga bata at menor de edad na naapektuhan. Anila, mahalagang maging ligtas at maayos na lugar ang mga paaralan para sa mga estudyante.
Tiniyak ng DSWD na magpapatuloy ang koordinasyon nito sa mga lokal na awtoridad upang maibigay ang kinakailangang care, protection at psychosocial support habang unti-unting bumabangon ang mga apektado at ang buong komunidad mula sa trahedya.













