Itinaas na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Maximum Alert Status ang kanilang pagbabantay laban sa posibleng forest fire at grass fire bunsod ng matinding init at epekto ng El Niño phenomenon.
Bahagi ito ng pinaigting na hakbang ng ahensya upang maiwasan ang pagkalat ng sunog sa mga kagubatan at damuhan na maaari ring umabot sa mga kalapit na komunidad.
Kabilang sa mga ipinatutupad na hakbang ang pag-deploy ng forest protection personnel, pagsasanay sa forest officers, pagtatayo ng firelines at mahigpit na pagbabawal sa open burning o lantad na pagsusunog. Pansamantala ring isasara ang mga protected areas na itinuturing na high-risk sa forest fire.
Ayon kay DENR Secretary Mitch Cuna, naka-full alert at 24/7 standby ang Quick Response Teams sa lahat ng regional offices upang agad na rumesponde at tumulong sa pag-apula ng mga sunog sa kagubatan.
Mayroon na ring kani-kaniyang lokal na hakbang ang mga regional office upang maprotektahan ang mga kagubatan at damuhan laban sa banta ng wildfire.
Dahil dito, hinimok ni Cuna ang publiko na makiisa sa kampanya ng pamahalaan, iwasan ang anumang uri ng lantad na pagsusunog at tumulong sa pangangalaga ng kagubatan habang nagpapatuloy ang banta ng matinding init.













