Hiniling ni Vice President Sara Duterte sa Senate Impeachment Court na tuluyang ibasura ang Articles of Impeachment na inihain laban sa kanya, dahil umano sa mga seryosong depekto sa proseso at legal na batayan nito.
Sa sagot na isinumite ng kanyang legal team sa Senado noong Hunyo 1, iginiit ng Bise Presidente na hindi nakasunod sa mga itinakdang rekisito ng Konstitusyon ang impeachment complaint, kaya wala umanong sapat na dahilan upang ituloy ang paglilitis.
Kabilang sa mga pangunahing argumento ng kampo ni Duterte ang umano’y paglabag sa tamang proseso nang magsagawa ng malalim na pagdinig ang House Committee on Justice, na ayon sa kanila ay mistulang naging isang “mini-trial” na lampas na sa saklaw ng kapangyarihan nito.
Iginiit din ng depensa na nakompromiso ang pagiging patas ng impeachment proceedings dahil may ilang mambabatas na umano’y nagpahayag na ng kanilang posisyon at pananaw sa kaso bago pa man matapos ang proseso sa Kamara.
Ayon pa sa mga abogado ng Bise Presidente, nilabag din ang kanyang karapatan sa due process matapos umanong magprisinta ng mga bagong ebidensyang hindi nakapaloob sa orihinal na reklamo, na naglimita sa kanyang pagkakataong maayos na tugunan ang mga akusasyon.
Mariin ding pinabulaanan ni Duterte ang mga alegasyon kaugnay ng confidential funds, umano’y hindi maipaliwanag na yaman, at mga isyu sa kanyang SALN. Ayon sa kanyang kampo, wala pang anumang pinal na hatol mula sa hukuman na nagpapatunay ng graft, korapsyon, plunder, o iba pang iregularidad laban sa kanya.
Binigyang-diin din ng depensa na ang mga akusasyon ay nakabatay lamang umano sa mga hinala at haka-haka, at hindi sapat upang patunayan ang alinman sa mga grounds for impeachment na nakasaad sa Konstitusyon, kabilang ang culpable violation of the Constitution, graft and corruption, high crimes, at betrayal of public trust.
Nakatakdang suriin ng Senate Impeachment Court ang mga argumento ng magkabilang panig habang nagpapatuloy ang proseso kaugnay ng reklamong inihain laban sa Bise Presidente.













