Tumaas ng humigit-kumulang dalawang metro ang seabed o ilalim ng dagat habang lumawak naman ng nasa 200 metro ang bahagi ng baybayin, batay sa isinagawang aerial at ground survey ng mga eksperto.
Ang naturang pagtaas ng lupa ay resulta ng malalakas na paggalaw ng tectonic plates na dulot ng lindol.
Dahil sa malaking pag-urong ng tubig-dagat, maraming coral reefs at seagrass beds ang nalantad sa ibabaw at naiwan na hindi naabot ng tubig.
Dahil dito, namatay ang ilang korales at iba pang mga organismong-dagat gaya ng mga isda, kabibe, at iba pang yamang-dagat na lubhang umaasa sa ilalim ng dagat para sa kanilang pamumuhay at kaligtasan.
Nagdulot din ang naturang pangyayari ng pangamba sa ilang residente, lalo na sa posibleng epekto ng pagkamatay ng mga lamang-dagat sa kalikasan at kabuhayan ng mga komunidad na umaasa sa pangingisda bilang pangunahing pinagkukunan ng kita.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ng masusing assessment ang mga tauhan ng PENRO at SBPS PAMO upang matukoy ang kabuuang lawak ng pinsala sa Sarangani Bay.
Kabilang sa kanilang sinusuri ang epekto ng coastal uplift sa marine ecosystem, biodiversity, at mga pinagkukunan ng kabuhayan ng mga residente sa mga apektadong lugar.
Samantala, patuloy na mino-monitor ng DOST-PHIVOLCS – Department of Science and Technology – Philippine Institute of Volcanology and Seismology, DENR-MGB Region XII – Department of Environment and Natural Resources – Mines and Geosciences Bureau Region XII, at iba pang kaugnay na ahensya ang sitwasyon upang makakalap ng karagdagang datos hinggil sa geolohikal at pangkapaligirang epekto ng lindol.
Inaasahan ding magsasagawa ng mas malalim na pag-aaral ang mga eksperto upang makatulong sa pagbuo ng mga hakbang para sa rehabilitasyon, pangangalaga ng yamang-dagat, at pagtiyak sa kaligtasan ng mga komunidad sa mga susunod na panahon.













