Apat na katao ang nasawi matapos muling magsagawa ng airstrike ang militar ng Estados Unidos laban sa isang barko sa Caribbean na sinasabing sangkot sa ilegal na kalakalan ng droga.
Ayon sa US Southern Command, nakumpirma umano sa intelligence report na aktibong kasangkot sa narco-trafficking ang naturang sasakyang-dagat bago isinagawa ang operasyon.
Ang insidente ay bahagi ng kampanya ng administrasyon ni US President Donald Trump laban sa mga grupong tinutukoy nito bilang mga narco-terrorist. Patuloy ang naturang operasyon mula nang ilunsad ito noong nakaraang taon.
Ito na rin ang panibagong strike sa Caribbean sa loob lamang ng ilang araw. Sampung araw bago ang pinakahuling operasyon, tatlo rin ang iniulat na nasawi sa isa pang pag-atake ng militar ng Amerika sa rehiyon.
Batay sa datos na inilabas ng US military, mahigit 220 katao na ang nasawi sa mga pag-atake laban sa mga sasakyang-dagat sa Caribbean at Eastern Pacific mula nang simulan ang kampanya.
Samantala, kinuwestiyon ng ilang human rights groups ang naturang mga operasyon at inilarawan ang mga ito bilang extrajudicial killings, na nagpapataas ng mga usapin hinggil sa legal na batayan at pananagutan sa mga strike.












