Inusisa ng prosecution ang umano’y kakulangan sa deklarasyon ng puhunan ng mga negosyong nakalista sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte noong unang termino niya bilang alkalde ng Davao City.
Sa ika-25 araw ng impeachment trial, tinanong ni Private Prosecutor Atty. James Bryan Ibrahim Alih si Atty. Karen Batu ng Office of the Ombudsman tungkol sa acquisition cost o capital na nakasaad sa mga SALN ni Duterte, partikular sa mga negosyong lumitaw sa kaniyang 2007 SALN.
Batay sa mga dokumentong iniharap sa paglilitis, kinumpirma ni Batu na tatlong nakatalang dokumento ang walang nakasaad na acquisition cost para sa mga naturang negosyo.
Dito iginiit ng prosecution ang tanong kung paano naideklara ang pagkakaroon ng negosyo ngunit walang nakatalang halaga ng puhunan o kapital sa SALN.
Sinabi naman ni Batu na iyon mismo ang nakasaad sa mga opisyal na dokumentong hawak ng Ombudsman.
Lumabas din sa testimonya na walang idineklarang stocks sa 2007 at 2009 SALN ni Duterte. Tanging sa 2008 SALN umano may nakalagay na “stocks equity paid.”
Bahagi ito ng presentasyon ng prosecution sa mga rekord ng Ombudsman bilang suporta sa Article II ng impeachment complaint, na nakatuon sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, maling deklarasyon sa SALN, at pagpapatuloy ng business interests habang nasa pampublikong tungkulin.
Patuloy namang sinusuri ng impeachment court ang mga rekord at testimonya upang matukoy kung may batayan ang mga alegasyong iniharap laban sa Bise Presidente.













