Pinapabilis ng Department of Energy ang implementasyon ng 22 renewable energy projects bilang tugon sa banta ng krisis sa langis at upang palakasin ang alternatibong pinagkukunan ng kuryente sa bansa.
Ayon kay Claire Castro, layunin ng pamahalaan na mabawasan ang pag-asa ng Pilipinas sa inaangkat na langis na madaling maapektuhan ng pabago-bagong presyo sa pandaigdigang merkado.
Sa isang press briefing sa Iloilo City, sinabi ni Castro na kabilang sa mga proyektong pinabibilis ng DOE ang 12 solar projects, anim na hydroelectric, dalawang biomass, isang wind project, at isang integrated renewable energy storage system.
Binigyang-diin na mahalaga ang mga proyektong ito lalo na sa gitna ng oil crisis, kung saan ang pagtaas at pagbaba ng presyo ng petrolyo ay direktang nakaaapekto sa suplay ng kuryente at gastusin ng mga konsyumer.
Sa pagpapalawak ng renewable energy, inaasahang makakamit ang mas matatag, mas abot-kaya, at mas malinis na suplay ng enerhiya. Layunin din nito na maprotektahan ang ekonomiya ng bansa laban sa epekto ng pandaigdigang krisis sa langis.












