-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin nina Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay hindi lamang nakatuon sa mga alegasyon laban sa Bise Presidente, kundi maging sa pagtugon sa umano’y kultura ng karahasan at impunity sa bansa.

Ayon kay De Lima, ang umano’y grave threats ni VP Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez ay hindi dapat ituring na hiwalay na insidente, kundi bahagi umano ng mas malawak na paggamit ng marahas na pananalita na hindi dapat maging katanggap-tanggap sa publiko.

Samantala, sinabi ni Diokno na naging bahagi na umano ng kamalayan ng maraming Pilipino ang karahasan matapos ang war on drugs noong administrasyong Duterte. Aniya, nararapat ding suriin kung may kaugnayan ang pagnormalisa ng marahas na pananalita ng ilang opisyal sa pagdami ng karahasan sa iba’t ibang sektor ng lipunan, kabilang ang mga paaralan.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang pagdinig ng Senate impeachment court sa Article IV ng Articles of Impeachment, kung saan inilalahad ng House prosecution ang mga testigo at ebidensya kaugnay ng mga alegasyong grave threats at betrayal of public trust laban kay Vice President Duterte.