-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na sapat ang natitirang ₱11 milyon ng Senado upang matapos ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Lacson, chairman ng Senate Committee on Accounts, mula ito sa ₱25.7 milyong continuing appropriation sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act, kung saan ₱14.55 milyon na ang nagastos sa loob ng 44 na araw ng paglilitis, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.

Kabilang sa mga gastusin ang pagkain ng mga kawani, kagamitan, overtime pay at pag-upa ng venue. Kapwa itinanggi nina Lacson at Gatchalian ang alegasyong umaabot sa ₱25 milyon kada araw ang gastos.

Nag-ugat ang kontrobersiya sa pahayag ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Duterte, na umabot umano sa ₱500 milyon ang nagastos sa 20 araw ng paglilitis.

Samantala, tatlo sa apat na impeachment article laban kay Duterte ang binawi ng prosekusyon. Ang Article II, na may kaugnayan sa umano’y hindi ganap na deklarasyon ng mga ari-arian at hindi pag-divest sa mga interes sa negosyo, ang itutuloy sa paglilitis.