Pinalalakas ng Department of Education (DepEd) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga hakbang para matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani sa mga paaralan sa pamamagitan ng pagtutulungan sa mga barangay tanod at mas mabilis na pagresponde sa mga emergency.
Sa ilalim ng joint memorandum circular na nilagdaan ng dalawang ahensya noong Oktubre 14, maaaring humiling ang mga paaralan ng tulong mula sa kanilang mga barangay upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa loob at paligid ng mga pasilidad pang-edukasyon.
Gayunman, nilinaw ng DepEd na katuwang lamang sa seguridad ang mga barangay tanod at hindi nila papalitan ang mga opisyal ng paaralan o mga awtoridad na nagpapatupad ng batas. Bago italaga, sasailalim din sila sa oryentasyon tungkol sa mga patakaran sa child protection, karapatan ng mga mag-aaral at school safety.
Bahagi rin ng kasunduan ang integrasyon ng DepEd sa unified 911 emergency system ng DILG sa tulong ng technology firm na NGA Philippines. Sa pamamagitan nito, sabay na makatatanggap ng mga ulat ng emergency ang Philippine National Police (PNP) at DepEd upang mapabilis ang koordinasyon at pagresponde sa mga insidente.
Ayon sa NGA Philippines, dadaan sa validation ng mga tanggapan ng DepEd sa central, regional at schools division levels ang mga insidente. Inaasahang mapaiikli nito ang prosesong dati umanong tumatagal ng ilang linggo tungo sa isang araw, habang sentralisado ang pag-iimbak ng mga kaugnay na impormasyon.
Inilunsad ng DILG ang unified 911 emergency hotline noong Setyembre 2025 upang pag-isahin sa isang sistema ang mahigit 30 lokal na emergency hotline.
Isinagawa ang anunsyo kasabay ng school safety audit at emergency drill sa Bangkal High School sa Makati City, sa pangunguna nina Education Secretary Sonny Angara at Interior Secretary Jonvic Remulla.
Layunin ng mga hakbang na palakasin ang kahandaan at pagtutulungan ng mga paaralan, lokal na pamahalaan at mga awtoridad sa pagharap sa mga insidente ng karahasan, pamamaril at iba pang banta sa kaligtasan ng komunidad ng paaralan.













