Nasawi ang isang college teacher habang ginagamot sa ospital matapos umanong suntukin ng isang 19-anyos na lalaki sa Barangay Mabilo, New Washington, Aklan.
Ayon sa ulat ng pulisya, pumanaw ang biktima nitong Martes, dalawang araw matapos ang insidenteng naganap noong Hulyo 26 sa isang advance graduation celebration sa naturang lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagkaroon umano ng pagtatalo ang guro at ang suspek habang ginaganap ang pagtitipon. Bagama’t nakauwi na sana ang biktima, sinundan pa rin umano siya ng suspek at doon naganap ang pananakit na nauwi sa pagkakaospital ng guro.
Naaresto naman ang suspek at una nang kinasuhan ng frustrated homicide. Gayunman, sinabi ng mga awtoridad na posibleng mabago ang kaso matapos makumpirma ang pagkamatay ng biktima.













