Nagbabala ang Commission on Elections (COMELEC) sa publiko laban sa kumakalat na pekeng anunsyo na nagsasabing gaganapin ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Disyembre 14, 2026.
Ayon sa komisyon, walang katotohanan ang larawang kumakalat sa internet na naglalaman ng naturang impormasyon.
Nilinaw ng COMELEC na hindi na matutuloy ang BSKE na orihinal na nakatakda sa Nobyembre 2 kasunod ng pagpapatupad ng Republic Act No. 12326, na nagpapalawig sa termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan sa limang taon.
Sa ilalim ng nasabing batas, nakatakdang isagawa ang susunod na BSKE sa Nobyembre 13, 2028.
Dagdag pa ng komisyon, nananatiling umiiral ang batas dahil wala pang inilalabas na Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema laban sa pagpapatupad nito.
Dahil dito, hinimok ng COMELEC ang publiko na beripikahin ang mga impormasyong may kaugnayan sa halalan sa pamamagitan ng mga opisyal nitong website at social media account upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon.













