Tinanggihan ng Court of Appeals (CA) ang apela ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na makalaya mula sa pagkakakulong matapos niyang kuwestiyunin ang legalidad ng kaniyang pag-aresto ng Bureau of Immigration (BI).
Sa pitong pahinang desisyon na inilabas ng dating First Division ng CA noong Oktubre 5, hindi tinanggap ng korte ang argumento ni Guo at nilinaw na hindi ang BI ang dahilan ng kaniyang patuloy na pagkakakulong.
Ayon sa appellate court, nakapiit si Guo batay sa desisyon ng Pasig City Regional Trial Court Branch 167 kaugnay ng kasong qualified human trafficking, at hindi dahil sa anumang warrant na inilabas ng BI.
Binigyang-diin din ng korte na walang sapat na ebidensiya o batayan upang patunayang nilabag ng kaniyang pagkakakulong ang kaniyang mga karapatang konstitusyonal, kabilang ang karapatan sa mabilis na paglilitis at kalayaan.
Dahil dito, nananatiling nakakulong ang dating alkalde sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City habang hinaharap ang kasong kinakaharap niya.













