Iginiit ni Atty. Michael Henry Yusingco, constitutional law expert at senior research fellow in policy studies, na kailangan pang palawakin ang konsultasyon bago magpatupad ng planong pagbabawal sa paggamit ng social media ng mga kabataan.
Sinabi ni Yusingco na bagama’t may mga panukalang batas nang inihain sa Kongreso, marami sa mga ito ang hindi pa napagdedebatehan sa plenaryo.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkuha sa pananaw ng mga eksperto, child psychiatrist, guro, at mga kabataan mismo upang matimbang ang posibleng epekto ng naturang pagbabawal.
Isa sa mga panukalang batas na nabanggit niya ang Senate Bill No. 2424 o “SMART KIDS Act,” na nakapasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado noong Oktubre 8, 2026.
Sa kabila nito, umaasa si Yusingco na mabibigyan pa rin ng pagkakataon ang iba’t ibang stakeholder na maipahayag ang kanilang mga saloobin sa isyu, lalo’t interesado rin ang Department of Education na talakayin ang panukala.
Ayon sa eksperto, hindi dapat basta gayahin ng Pilipinas ang mga bansang nagpatupad na ng social media ban sa mga menor de edad dahil magkakaiba ang kalagayan at pangangailangan ng mga kabataan sa bawat bansa.
Kinuwestiyon din niya kung sapat ba ang pagbabawal upang matugunan ang mga problemang gaya ng online grooming, bullying, at iba pang uri ng karahasan na iniuugnay sa social media.
Dagdag pa ni Yusingco, hindi lamang libangan ang gamit ng social media dahil nagsisilbi rin itong kasangkapan sa edukasyon. Dahil dito, mahalagang masusing pag-aralan ng Kongreso ang panukala bago gumawa ng anumang desisyon.
Samantala, sinabi niyang hindi sapat ang simpleng pagbabawal sa social media upang masolusyunan ang karahasan sa mga paaralan. Aniya, kinakailangan ang isang whole-of-government approach o koordinadong pagkilos ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang matugunan ang ugat ng problema.













