-- ADVERTISEMENT --

Posibleng hindi na pisikal na dumalo sa mga susunod na pagdinig ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang ilang senador, ayon kay Senator Robinhood Padilla, dahil sa kanilang mga pangamba na lumilihis na umano ang proseso sa mga itinatadhana ng Konstitusyon.

Sinabi ni Padilla na maaaring pag-usapan ng mga senador mula sa minorya ang isang sama-samang hakbang na hindi na pagdalo sa mga susunod na pagdinig.

Aminado naman ang senador na wala pang pormal na pag-uusap hinggil sa naturang hakbang. Gayunman, aniya, posibleng mapag-usapan ito sa mga susunod na araw kasunod ng mga tinawag niyang “nakagugulat na pangyayari” sa paglilitis.

Kasabay nito, kapansin-pansin din ang pagbaba ng bilang ng mga senador na pisikal na dumadalo sa ilang araw ng impeachment trial. May mga hindi pumapasok sa session hall, habang ang ilan ay dumarating nang huli o umaalis bago matapos ang pagdinig.

Nauna nang nilinaw ng impeachment court na maaari pa ring subaybayan ng mga senador ang paglilitis mula sa kani-kanilang opisina.

Samantala, sinabi ni Padilla na bagama’t may mga pagkakataong wala siya sa loob ng Senado habang nagpapatuloy ang pagdinig, patuloy naman niyang sinusubaybayan ang mga pangyayari sa pamamagitan ng telebisyon.