-- ADVERTISEMENT --

Hindi bababa sa anim na katao ang nasawi at mahigit 30 ang nasugatan matapos tumama ang dalawang lindol sa bulubunduking bahagi ng Peru noong Linggo, Hulyo 19.

Ayon sa National Seismological Center ng Peru, naitala ang magnitude 5.1 at magnitude 3.7 na lindol sa lalawigan ng Chupaca sa Junín region, nasa humigit-kumulang 300 kilometro silangan ng kabiserang Lima. Naitala ang unang lindol sa lalim na 24 kilometro, habang ang ikalawa ay nasa 18 kilometro ang lalim.

Nauna namang iniulat ng European-Mediterranean Seismological Centre na umabot sa magnitude 5.6 ang unang pagyanig.

Batay sa paunang ulat, nasa 48 bahay ang tuluyang nawasak at 18 pa ang napinsala, na nakaapekto sa tinatayang 300 residente. Pansamantala silang inilipat sa mga tent habang nagpapatuloy ang relief operations.

Patuloy rin ang search and rescue operations upang matukoy kung may iba pang na-trap sa ilalim ng mga guho.

Karamihan sa mga bahay sa mga apektadong komunidad ay yari sa adobe blocks, na madaling gumuho kapag may malalakas na lindol.

Tulad ng Pilipinas, kabilang ang Peru sa Pacific Ring of Fire, isang rehiyong madalas makaranas ng malalakas na lindol at iba pang aktibidad ng mga fault at bulkan.