Nagbabala ang Climate Change Commission (CCC) na posibleng pumalo sa higit 45 degrees Celsius ang temperatura sa ilang bahagi ng bansa sa 2027 dahil sa inaasahang matinding epekto ng Super El Niño.
Ayon kay CCC Commissioner Albert Dela Cruz, maaaring umabot sa 1.5 hanggang 2 degrees Celsius ang dagdag na pag-init sa pagitan ng Pebrero at Abril 2027, na maaaring magdulot ng matinding init, kakulangan sa ulan at iba pang extreme weather events.
Inaasahang unang makakaranas ng epekto ang Regions 1, 2 at 3 bago ito kumalat sa mas maraming probinsya pagsapit ng Marso at Abril.
Dahil sa posibleng epekto sa suplay ng tubig, pagkain, enerhiya at kalusugan, isinusulong ng CCC ang mas flexible na class schedules at dagdag na proteksyon para sa mga outdoor workers, kabilang ang pag-iwas sa direktang sikat ng araw mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Samantala, pinatitibay ng Department of Education ang contingency plans at flexibility sa class schedules, gayundin ang pagtuturo ng climate change sa mga paaralan.
Hinimok naman ng CCC ang publiko na huwag mag-panic o mag-hoard at sa halip ay tiyaking sapat ang pag-inom ng tubig, magtanim at magpanatili ng mga halamang nakatutulong magbawas ng init, at makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan bilang paghahanda.













