-- ADVERTISEMENT --

Wala na umanong balak si dating Sen. Antonio Trillanes IV na muling dumalo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ito ay matapos siyang umatras bilang testigo ng House Prosecution panel, kung saan inaasahan sanang magbibigay siya ng testimonya kaugnay ng mga alegasyon tungkol sa umano’y hindi maipaliwanag o nakatagong kayamanan ng bise presidente.

Sa isang panayam, tinanong si Trillanes kung dadalo pa rin siya sa mga susunod na pagdinig kasama ang House panel na dati niyang sinasamahan.

Ayon sa dating senador, wala na siyang plano na dumalo dahil tila lumalabas na ipinipilit na lamang niya ang kaniyang sarili sa kasalukuyang takbo ng paglilitis.

Samantala, sinabi rin ni Trillanes na batid na umano ng Defense team ang mga posibleng ihaharap niya sakaling muling maging bahagi siya ng proceedings. Dahil dito, inaasahan niyang gagawin ng kampo ng depensa ang lahat ng makakaya nito upang kuwestiyunin o kontrahin ang kaniyang magiging testimonya.

Sa ngayon, sinabi ni Trillanes na ang nais na lamang niya ay mabantayan ng publiko ang magiging direksyon ng impeachment trial sa ilalim ng pamumuno ni Senate President at Senator-judge Chiz Escudero bilang presiding officer.

Matatandaang nauna nang humarap si Trillanes sa House Justice Committee nang talakayin ng komite ang “sufficiency in grounds” ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.