-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng Malacañang na patuloy na tinutugunan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga problemang iniwan ng nakaraang pamahalaan, kabilang ang mga alegasyon ng korapsyon.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, tugon ito sa pahayag ni Vice President Sara Duterte spokesperson Atty. Salvador Paolo Panelo Jr. na umano’y sinisisi ng kasalukuyang administrasyon ang mga Duterte sa mga problema ng gobyerno.

Sinabi ni Castro na hindi dapat ipagwalang-bahala ang mga alegasyon ng korapsyon at kailangang balikan ang mga isyung hindi umano naimbestigahan noong nakaraang administrasyon.

Kabilang sa mga binanggit niya ang mga umano’y ghost projects na dati nang tinukoy ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, pati mga kontrobersiyang may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at Pharmally.

Tinukoy din ni Castro ang mga naunang pahayag ng yumaong dating Camarines Sur Representative Rolando Andaya Jr. tungkol sa mga kuwestiyonableng infrastructure projects na napuna pa umano noong 2018.

Giit ng Palasyo, hindi maaaring ipikit ng kasalukuyang administrasyon ang mga mata sa mga alegasyon at kontrobersiyang may kaugnayan sa nakaraang pamahalaan.

Samantala, patuloy namang ipinagtatanggol ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang mga Duterte laban sa mga alegasyong iniuugnay sa kanilang pamilya.