-- ADVERTISEMENT --

Sinimulan na ng Judicial and Bar Council (JBC) ang pagtanggap ng mga aplikasyon at nominasyon para sa posisyon ng susunod na Chief Justice ng Supreme Court.

Ito ay matapos ihayag ang proseso para sa pagpili ng kapalit ni Chief Justice Alexander Gesmundo, na nakatakdang magretiro sa Nobyembre 6 dahil sa compulsory retirement.

Ayon sa JBC, hanggang Oktubre 13 ang pagsusumite ng mga aplikasyon at kinakailangang dokumento ng mga nais mapabilang sa pagpipilian para sa pinakamataas na posisyon sa hudikatura.

Ang JBC ang constitutional body na nagsasagawa ng screening at nagrerekomenda ng mga kandidato para sa mga bakanteng posisyon sa judiciary. Saklaw din ng mandato nito ang ilang posisyon sa Office of the Ombudsman at Legal Education Board.

Si Gesmundo ang ika-27 Chief Justice ng bansa at isa sa mga mahistradong itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Nanungkulan siya bilang punong mahistrado matapos siyang italaga sa posisyon noong 2021.

Ang susunod na mamumuno sa Supreme Court ang magiging unang Chief Justice na direktang itatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magpapasya mula sa shortlist na isusumite ng JBC.