-- ADVERTISEMENT --

Humina sa P63.06 kada US dollar ang piso sa intraday trading nitong Huwebes, kasunod ng patuloy na presyur sa lokal na salapi dulot ng mga pandaigdigang kaganapan.

Noong Miyerkules, Oktubre 14, nagsara ang piso sa P62.87 kada dolyar, mas mababa ng pitong sentimo kumpara sa P62.80 na closing rate noong Martes. Tatlong sentimo na lamang ang agwat nito sa record low na P62.90 kada dolyar na naitala noong Oktubre 8.

Kabilang sa mga itinuturong salik sa paghina ng piso ang tumitinding tensiyon sa Middle East at pangamba sa posibleng pagkaantala ng suplay ng langis. Maaari itong magpataas sa gastos ng Pilipinas sa pag-aangkat ng langis at iba pang produkto mula sa ibang bansa.

Kapag humihina ang piso, mas maraming lokal na salapi ang kailangan upang makabili ng dolyar. Dahil dito, maaaring tumaas ang presyo ng mga imported na produkto, kabilang ang langis, na posibleng makaapekto rin sa gastusin sa transportasyon at presyo ng mga pangunahing bilihin.

Gayunman, ang P63.06 na naabot ng piso sa intraday trading ay hindi pa ang opisyal na closing rate para sa araw na ito.