Nakatakdang bumawi si Filipina tennis star Alex Eala sa WTA 500 Ningbo Open sa China matapos ang hindi magandang kampanya sa singles at doubles events ng Wuhan Open.
Nabigo si Eala na makausad sa singles matapos matalo sa Chinese player na si Shi Han sa tatlong set, 4-6, 6-3, 6-3. Hindi rin naging matagumpay ang kanyang kampanya sa doubles, kung saan nakipagpares siya sa kaibigang si Zeynep Sonmez ng Turkey.
Matapos ang sunod na pagkabigo, tututok na ang Pinay netter sa Ningbo Open na nakatakdang idaos mula Oktubre 19 hanggang 25 sa Ningbo, China, kung saan panibagong pagkakataon ito upang makabawi at makapagtala ng magandang resulta.
May 28 manlalaro ang inaasahang sasabak sa main draw ng torneo, habang ang apat na nangungunang seeded players lamang ang magkakaroon ng first-round bye.
Kabilang sa mga nakatakdang lumahok ang defending champion na si Elena Rybakina ng Kazakhstan, world No. 4 Jessica Pegula ng United States, world No. 6 Elina Svitolina ng Ukraine, at world No. 9 Iga Swiatek ng Poland.
Sa pagsabak sa mas matinding kompetisyon, haharap si Eala sa panibagong hamon habang hangad na makabawi mula sa kanyang naging kampanya sa Wuhan Open.











