-- ADVERTISEMENT --

Itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang mga ulat na nagmamay-ari siya ng mga fast-food franchise, at iginiit na ang pagiging investor sa isang kumpanyang nagpapatakbo ng negosyo ay hindi nangangahulugang siya mismo ang may-ari o nagpapatakbo nito.

Sa isang pahayag nitong Sabado, sinabi ni Duterte na dati siyang namuhunan sa isang kumpanyang kabilang sa isang lehitimong business organization. Gayunman, nilinaw niyang wala siyang pag-aari o pinatatakbong anumang franchise.

Kinuwestiyon din ng bise presidente ang ulat ng isang online news platform, na aniya ay maaaring makapinsala sa reputasyon at operasyon ng mga lehitimong negosyo.

Matatandaang iniugnay kay Duterte ang limang sangay ng Jollibee sa isang financial report na inilahad ni analyst Alexander Cabrera sa impeachment trial. Ayon sa ulat, ang GenCorp, isang kumpanyang nakatala sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte, ang umano’y nagmamay-ari ng mga naturang restaurant.

Sa gitna ng isyu, iginiit ni Duterte ang pagkakaiba ng pagiging investor sa isang kumpanya at ng direktang pagmamay-ari o pagpapatakbo ng isang negosyo.