Kinuwestiyon ng kampo ni dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang batayan ng Ombudsman sa posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mambabatas kaugnay ng kontrobersiya sa flood control projects.
Ayon kay Atty. Ade Fajardo, 32 testigo na dating naglahad umano ng mga alegasyon laban kay Romualdez ang umatras na sa kanilang mga pahayag. Kabilang dito si Orly Guteza, na una umanong itinuring na star witness sa usapin.
Sinabi ni Fajardo na ang mga naturang testigo ay dating mga tauhan ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, na siya namang nahaharap sa mga reklamong may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa flood control projects.
Iginiit din ng abogado na wala umanong direktang testigo na nakapagpatunay na sangkot si Romualdez sa sinasabing pagtanggap o paghahatid ng kickback, kabilang ang alegasyon tungkol sa maleta ng pera.
Wala rin umanong dating opisyal ng Department of Public Works and Highways, district engineer, contractor, o personnel na nakatalaga sa mga lugar ng proyekto ang direktang nag-akusa sa dating Speaker.
Dahil dito, hiniling ng kampo ni Romualdez sa Ombudsman na ibasura ang reklamo laban sa kanya.
Samantala, sinabi ni Fajardo na wala pa silang impormasyon kung sinu-sino ang tinutukoy ng Ombudsman na 28 bagong testigong umano’y may alegasyon laban kay Romualdez.
Giit ng abogado, mahalagang malaman muna kung sino ang mga bagong testigo at kung ano ang kanilang mga pahayag bago matukoy kung may sapat na batayan ang mga alegasyon laban sa dating Speaker.













