-- ADVERTISEMENT --

Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang isang minor phreatomagmatic eruption sa main crater ng Taal Volcano noong Huwebes ng gabi, Oktubre 8.

Batay sa ulat, nagsimula ang pagputok alas-6:06 ng gabi at tumagal nang limang minuto. Nagbuga ito ng maitim na abong plume na umabot sa taas na 4,000 metro mula sa bunganga ng bulkan.

Kinumpirma ang insidente sa pamamagitan ng mga seismic at camera recording ng Taal Volcano monitoring network.

Nagbabala rin ang PHIVOLCS sa posibilidad ng manipis na ashfall sa Agoncillo, Lemery, San Nicolas, Taal at iba pang karatig na lugar sa Batangas.

Ang phreatomagmatic eruption ay uri ng pagsabog ng bulkan na nagaganap kapag nagkaroon ng interaksiyon ang magma at tubig, na nagdudulot ng mabilis na pagbuo ng singaw at pagbuga ng abo at iba pang materyales mula sa bulkan.

Bago ang pagputok, nakapagtala rin ang ahensya ng volcanic tremor na tumagal nang 82 minuto sa loob ng 24-oras na monitoring period mula hatinggabi ng Oktubre 7 hanggang hatinggabi ng Oktubre 8.

Sa kabila ng naitalang pagsabog, nananatili sa Alert Level 1 ang Taal Volcano.

Muling pinaalalahanan ng PHIVOLCS ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island, partikular sa main crater at Daang Kastila fissure, na kapwa kabilang sa mga permanent danger zone. Ipinagbabawal din ang paninirahan at pamamangka sa Taal Lake alinsunod sa mga umiiral na babala.

Pinag-iingat din ang mga piloto at operator ng sasakyang panghimpapawid laban sa paglipad malapit sa bulkan dahil sa posibleng ashfall, volcanic earthquakes, mga pagsabog dulot ng gas at mapanganib na volcanic gas.

Patuloy na pinapayuhan ang mga residente at bisita na sumunod sa mga abiso ng PHIVOLCS at mga lokal na awtoridad, lalo na kung makararanas ng ashfall o iba pang senyales ng aktibidad ng bulkan.