May consensus na umano ang mga senator-judge na ibalik sa hapon hanggang gabi ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang mapabilis ang pagdinig.
Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, pinag-aaralan nilang isagawa ang regular na sesyon ng Senado sa umaga at ilipat ang impeachment trial sa alas-3 ng hapon hanggang gabi.
Bagama’t may pangkalahatang kasunduan na ang mga senator-judge, sinabi ni Gatchalian na pormal itong ilalatag at ipatutupad ngayong linggo.
Nauna nang iminungkahi ni Senator-Judge Juan Miguel “Migz” Zubiri ang ganitong setup upang magkaroon ng mas mahabang oras ang prosekusyon at depensa sa paglalahad ng kanilang mga argumento.
Sa kasalukuyan, isinasagawa ang trial mula alas-10 ng umaga hanggang alas-2 o alas-3 ng hapon, ngunit napuputol ang mga pagdinig dahil sa regular na sesyon ng Senado. Dahil dito, may mga testigong inaasahang matatapos sa isang araw ngunit umaabot ng hanggang tatlong araw ang pagtestigo.
Layunin ng pagbabago sa schedule na mapabilis ang impeachment trial at maibalik sa normal na legislative work ang Senado.













