Mas madali nang masusuri ng publiko ang mga dokumentong may kaugnayan sa impeachment proceedings ni Vice President Sara Duterte matapos buksan ng Senado ang online access sa mga rekord ng kaso.
Kinumpirma ni Senate President Sherwin Gatchalian na nagdagdag ang Senado ng isang impeachment tab sa opisyal nitong website. Nahahati ito sa apat na seksyon—prosecution, defense, court issuances, at journal—na naglalaman ng mga isinumiteng pleadings, manifestations, opisyal na rekord, at iba pang dokumentong in-upload ng Senate Secretariat bilang impeachment clerk of court.
Ayon kay Gatchalian, layunin ng hakbang na tiyaking bukas at malinaw sa publiko ang lahat ng dokumento at ebidensiyang may kaugnayan sa paglilitis.
Hinimok din ng Senate President ang mga mamamayan na personal na suriin ang impeachment records upang magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa proseso at sa mga isyung nakapaloob dito.
Bagama’t ang mga senador ang nagsisilbing senator-judges sa impeachment trial, iginiit ng liderato ng Senado na ang tunay na huhusga sa kabuuang proseso ay ang sambayanang Pilipino.













