Tiniyak ni Senate Committee on Finance Chairman JV Ejercito na hindi dapat gamitin ang panukalang 2027 national budget bilang kasangkapan sa pamumulitika o pag-impluwensiya sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Pinasinungalingan ni Ejercito ang alegasyon ni Duterte na maaaring gamitin ang pondo ng pamahalaan upang hikayatin ang mga senador na bumoto pabor sa kaniyang conviction sa impeachment proceedings.
Nauna nang kinuwestiyon ng bise presidente kung may kaugnayan sa panukalang pambansang badyet ang umano’y pamamahagi ng pera at mga kasunduang pampolitika. Gayunman, wala siyang tinukoy na partikular na transaksiyon o indibidwal na sangkot sa naturang alegasyon.
Ayon kay Ejercito, umaasa siyang mapananatili ang tiwala sa mga senador na magsisilbing mga hukom sa paglilitis at magpapasya batay sa kanilang konstitusyonal na tungkulin.
Binigyang-diin din niya na dapat ilaan ang pondo ng bayan sa mga pangangailangan ng publiko at tiyaking maayos ang paghawak sa panukalang badyet ng pamahalaan.












