Hiniling ng Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) sa Trial Chamber III na tanggapin bilang ebidensya ang dalawang karagdagang expert reports sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa dokumentong inihain noong Oktubre 30, hiniling ni Acting ICC Prosecutor Mame Mandiaye Niang na isama sa mga ebidensya ang joint expert report nina witnesses P-1071 at P-1078, gayundin ang hiwalay na ulat ni witness P-1162.
Ayon kay Niang, kinikilala bilang mga eksperto sa kani-kanilang larangan ang dalawang saksi na naghanda ng joint report.
Samantala, nakatuon naman ang ulat ni P-1162 sa paggamit ng Philippine National Police (PNP) ng nakamamatay na puwersa sa mga operasyon kontra ilegal na droga. Kabilang sa sinuri ang bilang ng mga suspek na nasawi at nasugatan, gayundin ang mga pulis na namatay sa mga naturang operasyon.
Batay sa pagsusuri, iginiit ng prosekusyon na may sapat na batayan upang kuwestiyunin kung ang mga pagkamatay ay resulta lamang ng lehitimong pagtatanggol sa sarili ng mga pulis o kung may sistematikong extrajudicial killings na naganap sa halip na lehitimong pagpapatupad ng batas.
Nakasalalay pa rin sa desisyon ng mga mahistrado ng ICC kung tatanggapin ang mga naturang expert reports bilang ebidensya sa paglilitis.













