-- ADVERTISEMENT --

TACLOBAN CITY — Pormal nang nagsampa ng mga kasong kriminal ang kapulisan laban sa isa sa mga suspek sa insidente ng pamamaril sa San Jose National High School. Ang reklamo ay inihain nitong gabi sa Bulwagan ng Katarungan sa Tacloban City.

Kinilala ang nasabing suspek bilang isang 15-anyos na child in conflict with the law (CICL). Samantala, walang kasong kriminal na isinampa laban sa 14-anyos na kasama nito dahil wala itong criminal liability sa ilalim ng Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.

Ayon sa mga awtoridad, ang 14-anyos na CICL ay isinailalim na sa kustodiya ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) upang sumailalim sa kaukulang intervention program alinsunod sa umiiral na batas para sa mga menor de edad.

Sa kabila nito, nagpahayag ng pagkadismaya ang isa sa mga magulang na sangkot sa kaso at kinuwestiyon kung bakit isa lamang sa dalawang menor de edad ang kakasuhan gayong kapwa umano silang sangkot sa krimen.

Patuloy namang isinasagawa ng mga awtoridad ang masusing imbestigasyon kaugnay ng insidente habang hinihintay ang susunod na hakbang sa proseso ng kaso.