-- ADVERTISEMENT --

Naglatag na ng iba’t ibang hakbang ang National Irrigation Administration upang mabawasan ang posibleng epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura at matiyak ang sapat na suplay ng tubig para sa mga magsasaka sa buong bansa.

Ayon kay Eduardo Guillen, matagal nang naghahanda ang ahensya laban sa mga hamon ng climate change at matinding tagtuyot sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga proyekto para sa climate resiliency at mas mahusay na pamamahala ng mga mapagkukunan ng tubig.

Bagama’t nakapagtala ng pagbaba ng lebel ng tubig sa ilang pangunahing dam sa bansa, sinabi ni Guillen na mahigpit na binabantayan ng NIA ang sitwasyon upang matiyak na sapat pa rin ang suplay para sa irigasyon ng mga sakahan.

Kasabay nito, hinihikayat ng ahensya ang mga magsasaka na magtanim ng mga pananim na nangangailangan ng mas kaunting tubig gaya ng mais at munggo. Ayon sa NIA, makatutulong ang mga ito upang mapanatili ang produksyon kahit sa panahon ng matinding init at limitadong suplay ng tubig.

Nakikipagtulungan din ang NIA sa Department of Agriculture at mga lokal na pamahalaan upang mabigyan ng gabay ang mga magsasaka sa pagpili ng alternatibong pananim na mas angkop sa kondisyon ng panahon.

Samantala, kinilala rin ng ahensya ang naging hakbang ng National Water Resources Board na pansamantalang ihinto ang alokasyon ng tubig para sa irigasyon mula sa Angat Dam upang matiyak ang sapat na suplay ng inuming tubig para sa mga residente ng Metro Manila.

Ipinaliwanag ni Guillen na malaking bahagi ng pangangailangan sa tubig ng Metro Manila ang nagmumula sa Angat Dam, dahilan upang bigyang-prayoridad muna ang suplay para sa mga kabahayan.

Bilang bahagi ng pangmatagalang solusyon sa kakulangan ng tubig, isinusulong din ng NIA ang pagtatayo ng Bayabas Dam sa Bulacan. Inaasahang makapag-iimbak ito ng hanggang 54 milyong cubic meters ng tubig upang makatulong sa pagtiyak ng mas matatag na suplay sa mga susunod na taon.

Bukod sa mga dam projects, patuloy ding pinalalawak ng NIA ang mga solar-powered irrigation systems sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang karagdagang suporta sa mga magsasaka na apektado ng tagtuyot at matinding init dulot ng El Niño.