-- ADVERTISEMENT --

Mahigit 6,000 kabahayan sa Albay ang naapektuhan ng ashfall matapos ang pag-aalburoto ng Mayon Volcano noong Sabado, ayon kay Noel Rosal.

Ipinaliwanag ng gobernador na ang pagguho ng lava dome ang nagdulot ng makapal na abo na umabot sa mga bayan ng Guinobatan at Camalig. Sa Guinobatan, tinatayang umabot sa isa hanggang dalawang pulgada ang kapal ng abo.

Personal ding nagtungo si Vince Dizon mula sa Department of Public Works and Highways upang inspeksyunin ang clearing at flushing operations sa mga apektadong lugar. Sa kasalukuyan, muli nang madaanan ang Maharlika Highway patungong Naga City.

Sa kabila ng insidente, walang naitalang nasawi o nasugatan. Ayon sa lokal na pamahalaan, nakatulong ang kahandaan ng mga residente upang maiwasan ang mas matinding pinsala. Gayunman, may naitalang pagkamatay ng ilang alagang hayop at pagkasira ng mga pananim, at may mga ulat din ng mga hayop na natabunan ng abo at volcanic materials.

Ipinag-utos ng pamahalaang lokal ang pagsusuot ng face mask, partikular ang N95 mask, dahil sa panganib ng ashfall lalo na sa kalusugan ng mga bata.

Sa ngayon, may 1,238 evacuees mula sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone. Pinag-aaralan na rin ang posibleng pagpapalawak nito sa pitong kilometro, na maaaring makaapekto sa karagdagang 10,000 pamilya.

Nanatili sa Alert Level 3 ang bulkan, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, na nangangahulugang may patuloy na banta ng mas malakas na pagsabog. Samantala, humingi na ng tulong si Carlos Irwin Baldo Jr. sa Department of Health para sa karagdagang gamot laban sa mga sakit na dulot ng ashfall.