Hindi na ilalahad ng House prosecution panel sa Senate impeachment court ang Article III o bribery allegation laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay prosecution spokesperson Zia Alonto Adiong, napagkasunduan ng panel na huwag nang isama ang naturang article sa mga ebidensya at testigong ihaharap sa paglilitis upang mapabilis ang proceedings.
May kaugnayan ang Article III sa alegasyon na namahagi umano si Duterte ng pera sa ilang opisyal ng Department of Education noong siya ang kalihim ng ahensya mula 2022 hanggang 2024. Kabilang sa nabanggit sa mga naunang imbestigasyon si dating DepEd Undersecretary Gloria Mercado.
Sa halip, pagtutuunan ng prosecution ang tatlong natitirang articles na may kinalaman sa grave threats, confidential funds, at unexplained wealth kabilang ang isyu sa SALN.
Samantala, magpapatuloy ang pagdinig sa unexplained wealth article, kung saan inaasahang haharap bilang testigo si Anti-Money Laundering Council Executive Director Atty. Ronel Buenaventura.













