Nakatakdang maglaan ang gobyerno ng P3.44 bilyon para sa cash gifts ng mga kwalipikadong senior citizen sa panukalang pambansang badyet para sa 2027.
Ayon kay House Minority Leader at 4Ps party-list Representative Marcelino Libanan, kabilang dito ang P10,000 cash gift para sa mga edad 80, 85, 90 at 95, habang P100,000 naman ang matatanggap ng mga centenarian.
Mas mataas ito ng P140 milyon kumpara sa P3.3 bilyong inilaan sa 2026 General Appropriations Act.
Hinimok ni Libanan ang mga pamilya na irehistro ang kanilang mga nakatatandang miyembro sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) sa pamamagitan ng Elderly Database Management System upang mapadali ang pagproseso ng kanilang benepisyo.
Samantala, sinabi ng NCSC na hanggang Agosto 26 ay nakapaglabas na ito ng mahigit P1.9 bilyong cash benefits para sa 179,529 octogenarian, nonagenarian at centenarian.
Ang programa ay bahagi ng pagpapatupad ng Expanded Centenarians Act of 2024 o Republic Act 11982.













